Surah Al-Fâtihah {Al-Fâtihah - Ang Pambungad}
[Ito ay pinangalanang ‘Al-Fâtihah’ dahil sa ito ang pinakapambungad ng Dakilang Qur’ân. Gayon pa man, tinatawag din itong ‘Al-Mathâni’ (na ang ibig sabihin ay ang inuulit-ulit) dahil sa ito ay palaging binabasa sa bawa’t ‘raka`ah’o yunit ng ‘Salâh’ (pagdarasal); at maliban sa mga ito, mayroon pa rin itong iba’t ibang pangalan.]
1. “Bis-mil-lâh” - magsisimula ako sa Ngalan ng Allâh, bilang paghahangad ng tulong, gabay at katugunan Niya. Ang salitang “Allâh” ay Pangngalang Pantangi ng “Rabb” na Tagapaglikha (Tabâraka wa Ta`ala), na Siya lamang ang nararapat na sambahin at wala nang iba pa. Ito ay bukod-tangi sa Kanyang mga Pangalan, at ito ay hindi maaaring ipangalan sa iba. “Ar-Rah-mâ-nir Ra-heem” – ang salitang “Ar-Rahmân” --- saklaw ng Kanyang habag ang lahat ng Kanyang mga nilikha. Ang “Ar-Raheem” --- Labis-Labis ang Kanyang awa at pagmamahal nang ganap sa mga mananampalataya. Na ang dalawang ito (ang “Ar-Rahmân” at “Ar-Raheem) ay kabilang sa Kanyang mga Pangalan.
2. “Al-ham-du-lil-lâ-hi Rab-bil `Â-la-mîn” – ang lahat ng papuri ay nararapat lamang sa Allâh na “Rabb” na Tagapaglikha ng lahat ng mga nilalang. Ito ay papuri ng Allâh sa Kanyang Sarili, na kalakip ang Kanyang pag-uutos sa Kanyang mga alipin (na Siya ay purihin nila). Na Siya lamang ang karapat-dapat (sa mga papuring) ito dahil sa Siya lamang ang Lumikha ng lahat, ang Tagapangasiwa nito, ang Tagapangalaga sa lahat ng Kanyang mga nilikha sa pamamagitan ng Kanyang mga biyaya; at pamamatnubay Niya sa Kanyang tunay at minamahal na mga alipin tungo sa ‘Eemân’ (Pananampalataya) at paggawa ng mabuti.
3. “Ar-Rah-mâ-nir Ra-heem” – ang salitang “Ar-Rahmân” --- saklaw ng Kanyang habag ang lahat ng Kanyang mga nilikha. Ang “Ar-Raheem” --- Labis-Labis ang Kanyang awa at pagmamahal nang ganap sa mga mananampalataya. Na ang dalawang ito (ang “Ar-Rahmân” at “Ar-Raheem) ay kabilang sa Kanyang mga Pangalan.
4. “Mâ-li-ki yaw-mid dîn” – Siya (Luwalhati sa Kanya) lamang ang Bukod-Tanging Nagmamay-ari at Mangangasiwa sa Araw ng Muling Pagkabuhay, at ito ang Araw ng pagbibigay ng kabayaran sa lahat ng mga gawain. At ang Kanyang pagiging bukod-tangi sa Pagmamay-ari at Pangangasiwa sa Araw ng Paghuhukom, dahil walang sinuman ang mag-aangkin nito sa Araw na yaon, at walang sinuman ang magsasalita, maliban sa kung ito ay Kanyang pahihintulutan.
[Sa pagbibigkas ng isang Muslim sa ‘Âyah’ o talatang ito sa bawa’t ‘raka`ah’ ng Salâh’ ay magpapaalaala sa kanya hinggil sa Huling Araw, nag-uutos na paghandaan ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kabutihan at pag-iwas sa mga kasalanan at mga kasamaan.]
5. “Iy-yâ-ka na`a-bu-do wa iy-yâ-ka nas-ta-`în” – Ikaw lamang ang aming susundin at sasambahin, at Ikaw lamang ang aming hihingian ng tulong sa lahat ng aming mga pangangailangan. Lahat ng bagay ay nasa Iyong Kamay, walang sinuman ang nagmamay-ari ng anuman na kahit na katiting-na-katiting na bagay, kundi Ikaw lamang.
[At narito sa talatang ito ang katibayan na ang anumang uri ng ‘Ibâdah’ o pagsamba ay hindi maaaring ituon ng alipin ng Allâh kaninuman kundi sa Kanya (Allâh) lamang. At narito rin (sa talatang ito) ang lunas sa puso mula sa sakit ng pagsasalig ng labis na atensiyon sa iba bukod sa Allâh, pagmamalabis, pagkukunwari, pagmamayabang at pagmamataas.]
6. “Ih-di-nas si-râ-tal mus-ta-qîm” – turuan Mo kami, patnubayan at gabayan patungo sa Matuwid na Landas. Patatagin Mo kami (sa Landas na) yaon hanggang sa Ikaw ay aming makatagpo, at ito ang ‘Islâm’ --- ang maliwanag na Daan patungo sa pagmamahal ng Allâh at tungo sa Kanyang ‘Al-Jannah’ (Hardin, isinaling Paraiso). Ito ang itinuro ng Huling Sugo at Propetang si Propeta Muhammad (saw), at ang lahat ng mga Propeta at Sugo na nauna kaysa sa kanya. Katiyakan,walang anumang daan patungo sa tunay na kaligayahan ng isang alipin kundi ang pagiging nasa Matuwid sa Islâm.
7. “Si-râ-tal la-dhî-na an-`am-ta `a-lay-hîm” – daan ng mga pinagkalooban Mo ng biyaya --- ang mga Propeta, mga matatapat, mga namatay nang ‘Shaheed’ – nagpunyagi sa Daan ng Allâh o nakipaglaban nang alang-alang sa Allâh, at mga mabubuti; silang mga pinatnubayan at matutuwid.
“Ghay-ril magh-dhû-bi `a-lay-him wa ladh-dhãl-lîn” – at huwag Mo kaming ihanay sa mga nagtungo sa daan ng mga isinumpa --- yaong mga nakaaalam ng katotohanan subali’t ito ay kanilang tinanggihan - ang mga Hudyo at ang mga gumaya sa kanila. Ganoon din ang mga naligaw --- yaong mga tumanggi at nawala nang pagkalayu-layo mula sa katotohanan - ang mga yaong nag-aangking tagasunod ni `Îsã (Hesus) na nasa labas ng ‘Islâm,’ at sa sinumang sumunod sa kanila.
[At narito sa panalanging ito (na ‘Al-Fâtihah) ang lunas sa puso ng isang ‘Muslim’ mula sa sakit ng pagtanggi, kamangmangan at pagkaligaw. Ito rin ang katibayan, na ang pinakadakilang biyaya sa lahat ay ang ‘Islâm;’ na kung kaya, sinuman ang nakaaalam ng katotohanan at pagkatapos ito ay sinunod niya; samakatuwid, siya ang karapat-dapat sa Matuwid na Landas.]
Kung gayon, walang pag-aalinlangan na ang mga ‘Sahâbah’ (kasamahan) ng ‘Rasulullâh’ (Sugo ng Allâh) ang karapat-dapat sa pagiging nasa Matuwid na Landas, kasunod ng mga Propeta. Ang talata ring ito ang nagpapatunay hinggil sa katangian nila at ang dakilang antas na kanilang kinabibilangan, na sila ay kinalugdan ng Allâh. Maging ang pagbigkas ng salitang ‘Âmeen’ pagkatapos bigkasin ang ‘Al-Fâtihah,’ ay isang kaugalian o ‘Sunnah’ na dapat bigkasin, na ang ibig sabihin ay “Dinggin Mo, O Allâh ang aming panalangin.”
Magkagayunpaman, ito ay hindi kabilang sa mga talata ng ‘Surâtul Fâtihah.’ Napagkasunduan ng mga ‘Ulama’ (Paham o Iskolar) at silang lahat ay sumang-ayon na ito (ang salitang ‘Âmeen) ay hindi naisulat sa mga ‘Masâhif ’ o kopya ng Qur’ân.
No comments:
Post a Comment