Wednesday, January 13, 2016

114-Sûrah An-Nâs {Ang Sangkatauhan}

Sûrah An-Nâs {Ang Sangkatauhan}

Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

1. Sabihin mo, O Muhammad: “Nagpapakupkop ako at hinihingi ko ang kalinga ng Allâh na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng sangkatauhan, na Bukod-Tanging Makapangyarihan na pigilin ang kasamaan ng sinumang nanlilinlang.

2. “Ang ‘Malik’" – Hari ng mga tao na Siyang Bukod-Tanging Tagapangasiwa sa lahat ng kanilang mga kalagayan, na Malaya at hindi nangangailangan sa kanila,

3. “Ang ‘Ilâh’ o Diyos na sinasamba ng sangkatauhan na Siya lamang ang Bukod-Tangi na may karapatan at karapat-dapat na sambahin.

4. “Mula sa kapinsalaan ni ‘Shaytân’ na nambubuyo sa oras ng pagkalimot ng tao sa pagkakaalaala sa Allâh at naglalaho kapag naalaala ang Allâh.

5. “Na siya ang nambubuyo ng kasamaan at naglalagay ng pag-aalinlangan sa mga dibdib ng mga tao.

6. “Mula sa mga ‘Shaytân’ na nagmula sa lahi ng ‘jinn’ at nagmula sa lahi ng tao.”

113-Sûrat Al-Falaq {Ang Pagbubukang-Liwayway}

Sûrat Al-Falaq {Ang Pagbubukang-Liwayway}

Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

1. Sabihin mo, O Muhammad: “Nagpapakupkop ako at hinihingi ko ang kalinga ng Allâh na ‘Rabb’ na Tagapaglikha ng ‘Falaq,’ na ito ay pagbubukang-liwayway.

2. “Mula sa kasamaan ng lahat ng nilikha at sa mga kapinsalaan na maidudulot nito.

3. “At mula sa kasamaan ng matinding kadiliman kapag kumalat na ang gabi nito at sa anumang kasamaan at mga nakapipinsala na nangyayari rito

4. “Mula sa mga nagsasagawa ng karunungang itim na mga kababaihan na hinihipan nila ang kanilang mga ibinuhol na tali, na ito ay kanilang pinagbubuhul-buhol bilang pangkukulam.

5. “At mula sa kasamaan ng sinumang mainggitin kapag kinapopootan na niya ang mga tao dahil sa mga biyayang ipinagkaloob ng Allâh sa kanila, na kapag siya ay naiingit ay nais niyang mawala ito sa kanila.”


112-Sûrat Al-Ikhlâs {Ang Kadalisayan}

Sûrat Al-Ikhlâs {Ang Kadalisayan}

Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

1. Sabihin mo, O Muhammad: “Siya ang Allâh na ‘Ahad’ – Bukod-Tangi na ang pagsamba ay para lamang sa Kanya, na wala Siyang katambal na kahit na sinuman.

 2. “Ang Allâh ay ‘As-Samad’ – ang Bukod-Tangi na inaasahan ng Kanyang mga nilikha sa lahat ng kanilang pangangailangan, Ganap, walang kakulangan at walang pangangailangan.

3. “Kailanman ay hindi Siya nagkaroon ng anak at kailanman ay hindi Siya ipinanganak at wala Siyang asawa.

4. “At kailanman ay walang maihahalintulad sa Kanya, sa Kanyang Pangalan, sa Kanyang mga Katangian at sa Kanyang mga Gawain, na luwalhati sa Kanya na Kataas-Taasan.”

111-Sûrah Al-Masad {Ang Hibla ng Palmera}

Sûrah Al-Masad {Ang Hibla ng Palmera}

Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

1. Pagkawasak at tuluyang pagkabigo sa dalawang kamay ni Abû Lahab dahil sa kanyang pamiminsala sa Sugo ng Allâh na si Propeta Muhammad (saw), at walang pag-aalinlangang ito ay tunay na naganap sa kanya.

2. Hindi naging kapaki-pakinabang sa kanya ang kanyang kayamanan at anak, na kung kaya, kailanman ay walang magagawa ang mga ito sa kanya upang siya ay iligtas mula sa kaparusahan ng Allâh kapag ito ay dumating na sa kanya.

 3. Walang pag-aalinlangan, siya ay papapasukin sa naglalagablab na Apoy,

 4. At ganoon din ang kanyang asawa na siyang nagdadala ng mga tinik upang ito ay ikalat sa dinaraanan ng Propeta bilang pamiminsala sa kanya.

5. Na nakapulupot nang mahigpit sa kanyang leeg ang lubid na magaspang ng ‘Masad’ – hibla ng puno ng palmera, at iniaangat siya sa pamamagitan nito sa Impiyernong-Apoy, pagkatapos ay ihahagis siya tungo sa kaila-ilaliman nito.


110-Sûrah An-Nasr {Ang Tulong}

Sûrah An-Nasr {Ang Tulong}

Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

 1. Kapag naganap na, O Muhammad, ang iyong pagkapanalo laban sa mga walang pananampalataya na mga Quraysh, at naganap na sa iyo, ang tagumpay sa pamamagitan ng pagpasok mo sa Makkah.

 2. At nakita mo ang maraming tao na papasok sa Islâm na Relihiyon ng Allâh, nang grupu-grupo.

3. Kapag ito ay naganap, samakatuwid ay ihanda mo na ang iyong sarili sa pakikipagharap sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha sa pamamagitan ng patuloy na pagpuri bilang pasasalamat sa Kanya, at patuloy na paghingi ng kapatawaran, dahil walang pag-aalinlangan, Siya ay Ganap na Mapagpatawad sa mga pumupuri at humihingi ng kapatawaran sa Kanya, na pinatatawad sila at minamahal, at tinatanggap ang kanilang pagbabalik-loob.

109-Sûrah Al-Kâfirûn {Ang mga Walang Pananampalataya}

Sûrah Al-Kâfirûn {Ang mga Walang Pananampalataya}

Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

 1. Sabihin mo, O Muhammad, sa kanila na hindi naniwala sa Allâh at sa Kanyang Sugo: “O kayong mga hindi naniniwala sa Allâh

2. “Hindi ko sasambahin ang anumang sinasamba ninyo na mga rebulto at mga diyus-diyosan na walang kabuluhan.

3. “At kayo ay hindi rin ninyo sasambahin ang aking sinasamba na Bukod-Tanging Nag-iisa, na Siya lamang ang karapat-dapat na sambahin.

4. “At ako, kailanman ay hindi mangyayari na sasamba sa mga sinasamba ninyo na mga rebulto at mga huwad na mga diyos.

5. “At kailanman ay hindi kayo sasamba sa aking sinasamba.

6. “Na kung kaya, sa inyo na lamang ang inyong ‘deen’ (o relihiyon) na inyong pinagpipilitan na sundin, at sa akin na lamang din ang aking ‘Deen’ (o Relihiyon), na hindi na ako maghahangad ng iba pa.”

108-Sûrah Al-Kawthar {Isang Ilog Sa Al-Jannah Na Al-Kawthar}

Sûrah Al-Kawthar {Isang Ilog Sa Al-Jannah Na Al-Kawthar}

 Sa Ngalan ng Allâh, ang Pinakamahabagin, ang Napakamaawain at Ganap na Mapagmahal

 1. Katiyakan, ipinagkaloob Namin sa iyo, O Muhammad, ang masaganang kabutihan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay, na kabilang dito ay ang ilog ng Kawthar sa Al-Jannah, na sa magkabilang pampang ay mga tolda na gawa sa mga Perlas, at ang lupa nito ay musk, na ang tubig nito ay mas maputi pa kaysa gatas at mas matamis pa kaysa pulut-pukyutan.

2. Na kung kaya, maging taimtim ka sa lahat ng iyong pagsa-‘Salâh’ sa iyong ‘Rabb’ na Tagapaglikha, at maghandog ng hayop bilang pag-aalay lamang sa Kanya.

3. Katiyakan, ang para sa kanya na nagalit sa iyo at nagkaroon ng poot sa dala-dala mong gabay at liwanag, ay ipagkakait ang anumang kasaganaan at kabutihan dito sa daigdig at sa Kabilang-Buhay.